ni Uel Ceballos
Taon na rin ang nakalilipas ng huli kong mabasa ang nobelang "Pusong Walang Pag-ibig" ni Roman G. Reyes. Hiniram ko lamang ang librong ito sa isang kaibigan kung kaya naman hindi ko na mabalik-balikan ulit ang istorya. Subalit naging labis ang epekto ng librong ito sa akin na naging dahilan upang lumikha ako ng liham para sa aking kaibigan kasabay ng pagsasauli ko sa kanya ng aklat. Ang akdang ito ay isa mga babasahing nakabasag sa aking damdamin at nakapagpagising ng aking kamalayan sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating paligid.
Sa paghahalungkat ko ng mga lumang gamit nakita kong muli ang kopya ng liham na ibinigay ko sa aking kaibigan. Ang liham ay naglalaman ng aking kabuuang reaksiyon tungkol sa aklat, kung kaya hayaan niyong ipahatid ko ang aking review sa pamamagitan ng paglalathala dito ng aking ginawang sulat taong 2006.
Abril 11, 2006
Kaibigang Jen,
Kay bigat naman sa kalooban ng naging katapusan ng "Pusong Walang Pag-ibig" ni Roman G. Reyes. Anong tagal kong hinintay na masaksihan ang pagbabago ni Ikeng at ang tuluyang ikababago ng kanyang buhay, maanong makapamuhay muna siya ng matiwasay kasama ang kanyang asawa't anak subalit iyo'y ipinagkait sa kanya ng may-akda. Sumisikip tuloy ang aking dibdib dahil sa nobelang napagtagumpayan kong masaksihan. Hindi yata makabubuti sa aking puso ang makapagbasa ng lalong makapagyayaman ng lungkot sa naghihinagpis kong kalooban. Kagagaling ko lamang sa hospital at ang kabilin-bilinan sa aki'y humanap ako ng mga bagay na aking ikagagalak.
Ang nobelang ito'y sumasalamin sa kapanahunang hindi na arok ng ating henerasyon. Labis ang aking pagkabalintuna habang kinakaibigan ang bawat pahina ng aklat sapagkat muli kong nalakbay ang mundong pinanggalingan ng ating panahon. Sa paglalakbay ko sa akdang ito'y nanariwa sa aking isipan ang mga kulturang may kulay man din na maituturing ay bitak na lamang sa ating kasaysayan. Labis ang aking pagkaantig sa mga tauhang naging biktima ng pananamantala't kaliluhan. Naantig talaga ang aking damdamin sa sinapit ng kapalaran ng ama ni Loleng na si Matandang Tikong gayundin sa mag-asawang Mang Simon at Aling Tolang na hindi man lamang ginantihan ni Enrique ng kabutihang-loob.
Aking naramdaman kung gaanong pag-asa ang tinatanaw ng mga taga-lalawigan sa pakikipagsapalaran sa Maynila. At ang digmaan! Nagpupuyos ang damdamin kong hindi maapula ng malamig na ice tea na aking iniinom ng mga sandaling iyon sa bahagi ng paglalarawan ni Reyes sa daloy ng sigalot sa kabayanan ng "B". Anong pagdadalamhati nga naman ang iyong mararamdaman sa sukat ikapigil ng iyong hininga dahil sa pag-anib ng iyong mag-aama sa himagsikan. Ano kaya ang ating gagawin kung itinadhanang maging kaisa tayo sa mga iyon?
Jen, maraming salamat sa pagpapahiram mo ng aklat na ito. Maraming aral ka ditong mapupulot, mga liksiyon na maaring nakapamilaylay lamang sa bawat salita't pangungusap at naghihintay lamang maisapuso ng isang taimtim na pagninilay.
Jen, tayo'y mga bagong tao na bumabagtas ngayon sa pinakamatinik na landas ng ating kapanahunan. Huwag mong isawalambahala ang ganitong uri ng nobela, sapagkat mahalagang mawatas natin ang haba ng panahong nagdaan bago natin makamit ang aral ng kasaysayan...
No comments:
Post a Comment