Monday, March 9, 2015

BUKAS NA LIHAM PARA KAY BOB

Dear Bob,


Yung totoo, anong nakain mo at naisipan mong isulat ang Si? Hahaha! :D Nung una kong makita yung Si sa bookstore, natuwa ako. Medyo matagal-tagal na rin kasi mula nung ilabas mo ang Lumayo Ka Nga Sa Akin na pakiramdam ko'y hindi lang isang matapang na paghamon sa mass media kundi isang panggising na rin sa mga taong tumatangkilik at bulag na sumusunod dito. Nasanay ako sa ganung genre mo, Bob. Pakiramdam ko, magkaklase tayo sa eskwelahan nung binabasa ko ang ABNKKBSNPLAko?!. Sa Kapitan Sino naman, akala ko may bago nang superhero na kabibiliban ang mga bagets. Una kong naisip na subukang muli ang pagsusulat nung nabasa ko ang Stainless Longganisa at kinilabutan ako ng bonggang-bongga sa libro mong Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan. Iniisip ko tuloy, hindi kahanay ng Si ang mga aklat na ito. Iba siya. At nag-iba ka.

Ang weird 'no? Sabi nila, 'pag pag-ibig na ang pinag-uusapan, nag-iiba talaga bigla ang mood ng tao. Pansin ko kasi, sa nobelang ito, bumalik ka ulit sa loob ng kahon. 'Wag mo masamain, Bob. Alam kong malaya ang istilo mo ng pagsusulat. Kaya nga naging fan mo ako eh. Pero hindi ba sa pag-ibig may kalayaan? Iniisip ko palagi na ang mga tao, hindi na nag-iisip 'pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Hindi na kasi isip ang umiiral, puso na. Sa aklat mong ito Bob, pakiramdam ko kinahon mo yung pag-ibig na yun. Bumalik ka sa pinakasimpleng kahulugan at sa pinakatradisyonal na pagsasabuhay nito. Hindi ka naging lohikal kasi ang pinairal mo dito ay puso. May porma ang pagsusulat, bawat salita may kahulugan. Maganda ang paggamit mo ng ating wika sa aklat mo, Bob. Ngayon ko mas lalong na-appreciate ang wikang Filipino. Nakakakilig. Nakakabighani. Tagos.

Pero marami ka ring hugot dito eh. Sa mga panahong ito, nauuso ang teleserye na may pamagat na Forevermore. Sa totoo lang, naalala ko yung mga listahan ng mga pamagat ng teleserye na sinulat mo sa Ang Paboritong Aklat ni Hudas. Haha! 'Di ka nga nagkamali, paikot-ikot lang sa forever, you, me, I, against, love, heart, tayo, iisa, ikaw, ako, sila, kami etc. ang mga pamagat ng teleserye. :) Dahil sa Forevermore, maraming mga tao ang bigla na lang nagkaroon ng sarili nilang depinisyon ng salitang forever. Eh maski ako, pinanghawakan ko ang paniniwalang 'walang forever'.

Pero dito sa Si, pinaintindi mo sa akin na buhay pa ang konsepto na 'magpakailanman'. You know, that thing called 'tadhana'? HAHA. Sorry, napanood ko kasi yun. Pero yun din ang sinasabi mo dito Bob eh...na may taong nakatadhana para sa atin. Na buhay ang pag-ibig. Na ang pag-ibig na tunay ay ipinaglalaban. Na may mga pag-ibig na hindi ukol at hindi mananatili kahit ano pang pakikipaglaban ang gawin mo. Na ang pag-ibig madalas nakakadarang kung sariling pag-iisip mo ang iyong paiiralin. At ang pag-ibig na itinadhana ng langit ay magpakailanman. 'Di pa ako umiibig ng katulad ng pag-ibig ni Victoria sa lalaking nasa aklat, pero yun yung pinapangarap kong pag-ibig. Hopeless romantic man ang peg ko ngayon Bob pero kahit mahirap at madalas akong dinadalaw ng kalungkutan sa aking paghihintay sa isang tulad niya, ayokong mawalan ng pag-asa. Araw-araw hinihiling ko sa Maykapal na bigyan lang ako ng lakas at pasensya upang maghintay pa. Na balang araw ay makikilala ko yung Si ng buhay ko... SIno man SIya. At matutupad ang itinadhana ng langit sa aming dalawa. :)

Tumatagos sa puso ko ang lahat ng mga hugot mo dun, Bob. Marami beses kong binababa ang libro at tumitingin sa malayo para lang namnamin yung mga hugot mo. Napagtanto kong gusto ko ring maranasan ang ganoong uri ng pag-ibig. Gusto kong magmahal ng tulad ng pagmamahal ng lalaking yun kay Victoria. Malamang sa mga makakabasa nito, sasabihin nila na ang korni ko. Wala nang ganito sa panahong ngayon kaya 'wag na akong umasa. Pero hindi Bob... dahil naniniwala akong sa pag-asa nabubuhay ang pag-ibig. Habang may pag-asa, may buhay. At habang may buhay, may pag-ibig.

Salamat Bob. Sobrang sulit ng paghihintay ko sa nobela mong ito. Gusto sana kitang ayain magkape at makipagkwentuhan sa'yo kasi panigurado, marami tayong mapag-uusapan. Nakaka-excite yung idea na yun! Kaso alam kong hindi mo ako pauunlakan. Ayos lang, intindi ko naman. Siguro, balang-araw. :)

Iiwan ko ang linyang ito mula sa Si kasi sobrang tagos ito sa damdamin eh:


"Hindi sa pag-ibig nasasawi ang marami, kundi sa kawalan ng pag-ibig at kamangmangan ng maling pagmamahal."


Mabuhay ka at ang panitikang Pilipino!




Ang iyong masugid na tagapagbasa,
Love




PS:
Siya nga pala, para sa kauna-unahang Taglish kong komento sa isang nobelang Pilipino, binibigyan kita ng 10 tasang latte! Sa susunod, magiging totoong latte na ito... 'pag nagkita tayo. :)