Kung ihahalintulad sa isang pagkain ang akdang ito ni Eros Atalia, ang akdang sumunod sa naunang sulating "Ligo na U, Lapit Na Me", ang "Its Not That Complicated" ay isang malinamnam na putaheng kumpleto sa mga
rekado at siksik sa sustansya. Pagpapawisan ka sa paghigop ng mainit nitong
sabaw na bahagyang pinalapot upang maging masarsa at mag-iwan ng kakaibang lasa
sa iyong dila na hinding-hindi mo malilimutan. Pihadong mapapasabak ka sa
walang humpay na paglantak sa hain nitong napakamalamang sangkap hanggang sa
tumirik ang mga mata mo at maghabol-hininga ka sa rurok ng iyong kabusugan.
Muling pakikibutin ni Intoy ang natutulog
niyong puso, pakikislutin ang nanlalamig niyong mga ugat, paaagusin ang
nagsesebo niyong dugo at pasasakitin ang nanahimik niyong puson sa muling
pagtatagpo nila ni Jen na ngayo’y may kasama pang Tina.
Sila Jen at Tina ang mga alien na
sumugod at nanggulo sa buhay ni Intoy hindi upang manakop kundi upang makihati
ng saglit sa mumunting mundo ng binata at magbaon ng kapiraso nito sa kanilang
pag-alis. Ang kapirasong iyon ng mundo ni Intoy ang gagamitin nila Jen at Tina
upang lumikha ng panibagong mundong kanilang pagyayamanin.
Higit pa sa akdang pang-romansa ang
It’s Not That Complicated dahil bukod sa likas na pangingiliti nitong taglay ay
may hatid din itong nanunundot na paksang magpapasilab sa iyong kaalamang
panlipunan. Kumbaga’y hindi lamang nito pauusukin ang tenga’t ilong mo, kundi
puputungan ka pa ng bombilyang nagniningas ang liwanag.
Nakakatawa man ang mga linya ni
Eros, may angkin namang itong talim na nakalilikha ng malalim na hiwa. Malaya nitong paaagusin ang dugong namuo na sa sobrang tagal nang hindi pagdaloy.
Nababagay ang prosang ito sa mga alien sa sariling bansa ng sa gayon nama’y makilala na nila ang Pilipinas sa totoo nitong kulay at kalagayan. Baka sakaling magkainteres ang mga Pilipinong alien na ito na magkaisang agawin ang pamumuno sa mga mapagpanggap na nilalang (na silang totoong mga alien). Kapag nangyari iyon tuluyan na nilang masasakop ang Pilipinas at mapagyayamang muli hindi na bilang mga alien kundi mga totoong Pilipinong inangkin na rin sa wakas ang sariling pagkakakilanlan.