Wednesday, November 13, 2013

Ligo na U, Lapit na Me – Emo ka ba? Pwes basahin mo ito! By Lyn Bungar

Photo courtesy of goodreads.com
Ang akdang ito ni Eros Atalia ang kasa-kasama ko sa mga panahong nagmumuni-muni ako sa mga bagay-bagay sa aking buhay. Isa ito sa dalawang aklat na ibinigay sa akin na hindi ko pa napagtatangkaang buklatin at basahin. Napagpasiyahan kong itigil muna ang pagbabasa ng e-books at bigyang pansin ang mga aklat na nasasalat.

Umikot ang istorya sa lihim na pag-ibig ni Intoy kay Jen na nagsimula lamang sa paglalaro ng dalawa sa apoy. At patuloy pang nagpaikot-ikot sa mga nakakatuwang biro, dayalogo at mga hinuha ni Intoy sa iba’t ibang bagay na may kinalaman sa buhay at walang buhay.
Gumamit ang awtor ng matatalim na salita, bulgar at walang-hiya. Ngunit hindi nakakasugat, nakakagulat ngunit sa huli’y mas nanamnamin at kapapanabikan ang mga salitang bibitawan ng pangunahing tauhan. Mapagbiro ngunit may laman. Nangungusap at hindi basta-basta nagkukuwento lamang. Mapapangiti, maguguluhan at masasabik ka sa mga pakikipagsapalaran ni Intoy sa eskuwelahan, magulang, kapitbahay, kay Jen at sa sarili.

Ang Ligo na U, Lapit na Me ay hindi tulad ng nakasanayan ko nang Pilipinong panitikan noong ako’y nasa hayskul. Dinaan ng awtor sa biro ang mga issue o usapin na ako mismo’y hindi malaman kung seseryosohin ko nga ito o hindi. Ang mga biro ay hindi nagkukubli sa mga salitang nakagawian na o mas tanggap ng nakararami. Imumulat ka nito sa totoong mundo o pangyayari sa pamamagitan ng di mapagpanggap na mga salita.

Kung ikaw ay pinagdaraanan sa buhay na kahit ano pa man, ito ang babasahing para sa iyo (maliban sa banal na salita at encouraging posts sa FB wall mo). Matatawa ka at makakalimutan mo panandalian ang mga sanhi ng iyong kalungkutan sa pamamagitan ng mga problemang ihahain ni Intoy, not to mention ang kanyang mga karanasan sa pagiging ganap na lalaki. Ipapaalala nito na ang buhay ay buhay dahil may pagdurusa, kalungkutan at kasawian. Na may mga tanong at pagtatapos na hindi na dapat hinahanapan ng kasagutan o pagwawakas dahil ang buhay ay patuloy na paglalakbay. Sa kabila nito, sabik akong mabasa ang pangalawang aklat!

Pinapatawan ko ang panulat na ito ni Eros Atalia ng walong tasang latte. At paniguradong mas-aabangan ko pa ang mga akda niya.


No comments:

Post a Comment