“Kakabog ang dibdib mo, kikiligin ang kalamnan mo at kikirot ang puso
mo. Kabog, kilig, kirot. Kapag naramdaman mo ang tatlong K, umiibig ka.”
― Ricky Lee, Para Kay B
Siya ngang tunay ang tinuran na
iyan ni Ricky Lee sapagakat umibig ako sa nobelang itong. Patatawanin,
paiiyakin at pasasabikin ka ng mga karakter sa kwento sa katauhan nila Irene, Sandra,
Erica, Ester, Bessie at Lucas. Limang babaeng may kanya-kanyang kwento ng
kanilang buhay-pag-ibig at isang manunulat na may sarili niyang bersyon at
teorya ng pagmamahal.
Inilarawan dito ni Ricky Lee ang
mga totoong sitwasyong nagaganap sa ating paligid. May baong sakit at hinagpis
sapagkat karamihan sa mga sitwasyong nakapaloob ay yaong madalas kondenahin ng
lipunan at bansagang imoral. Malinaw na nakahayag sa aklat na ito ang mga
katauhang mapangahas na sumasalamin sa karamihan sa atin. Marahil isang layunin
na din ng sulating ito ang mapahatid sa mga mambabasa ang iba’t ibang sitwasyon
at pagsubok na pinagdadaanan ng bawat isa sa atin – na tayong lahat ay wala sa
tamang posisyong manghusga ng kapwa at umasta na para bang tayo ang malinis at
sila ang makasalanan.
Sa aklat na ito masasalamin ang
realidad ng buhay na bagama’t likas na mapanubok at mapagbiro ay may hatid pa
rin namang pag-asa. Sapagkat sa kabila ng mga kabiguan at kamalian,
responsibilidad mo pa rin bilang tao ang magpatuloy sa iyong landasin hangga’t
ika’y nabubuhay.
Ang pamosong teorya ng pag-ibig
na nakapaloob sa aklat ay lumikha din ng usapan at pagtatalo sa mga mambabasa.
May quota nga kaya ang pag-ibig kagaya ng unang sinabi ni Lucas sa aklat?
“Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging
masaya. Ang iba, iibig sa di nila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa
wala. O di iibig kailanman.”
- Ricky Lee, Para Kay B
Kung ikaw ang tatanungin
naniniwala ka ba na sa limang umiibig isa lamang ang pinapalad na maging masaya?
Naniniwala akong may mga namamatay na hindi namulaklak ang buhay-pag-ibig, may
mga nabubuhay na kuntento at masaya sa kanilang pag-ibig at may mga nabubuhay
sa lungkot na dulot ng nasirang pag-ibig pero hindi ko alam kung sadyang ganun
ang ratio ng bilang 1:4.
Para sa lahat ng mga umibig,
umiibig, napaibig at hindi pa nakakaibig, narito ang isang nobelang gigising sa
inyong kamalayan sa tunay na mukha ng pag-ibig at sa kung paanong paraan nitong binabago ang
buhay ng bawat isa sa atin.
Nawa’y mabasa mo rin ang nobelang
ito ni Ricky Lee at mapagnilay-nilayan sa iyong sarili ang mga bagay-bagay na nagpapaikot sa buhay ng isang tao.
No comments:
Post a Comment