Monday, October 21, 2013

Halina't silipin ang Diary ng Panget Ni: Uel Ceballos

Kung naghahanap ka ng babasahing babasag sa iyong katinuan at magpapakiliti sa natutulog mong ka-kesohan, bakit hindi mo subukang basahin ang kwentong nangunguna ngayon sa mga tindahan ng aklat – Diary Ng Panget by HaveYouSeenThisGirl.

Sa aking pagsasaliksik sa internet, napag-alaman kong Denny pala ang pangalan nitong si HaveYouSeenThisGirl na ayaw magbigay ng buo niyang pangalan (pero willing siyang magpapicture kaya naman makikita niyo ang itsura ng batang ito sa net). Okay, hindi siya Panget katulad ng bida sa istorya na si Eya. Pero sa pagtingin ko sa larawan niya, mapapansing isang simpleng babaeng likas na masayahin itong si Denny. Hindi malayong isipin na katulad din siya ni Eya sa maraming aspeto –malamang sa paraan ng pagsasalita, sa mga kinahihiligan, sa mga expression, at sa mga pananaw sa mga bagay-bagay.

Mabalik tayo sa kwentong isinulat niya. Sa edad kong ito na 25, aaminin kong bumenta sa’kin ang teenage love story na siyang tema nitong Diary ng Panget. Bukod sa umepekto sa akin ang mga katatawanang nakapaloob dito, tinablan din ako ng kilig sa love story nila Cross at Eya, kahit pa sabihing ang istorya nila ay karaniwan mo nang mababasa sa iba pang nobela at mapapanood mo pa sa karamihan ng mga pelikulang may kahalintulad na tema.

Pero ano nga ba ang naging kaibahan ng Diary ng Panget sa iba pang kwento at humakot ito ng milyon-milyong atensyon sa watt.pad na siyang naging dahilan para mapansin ng isang publisher? Lalo pang sumikat ang kwento nila Cross at Eya nang maisalin na sa aklat ang istorya at dumami pa ngang lalo ang naging mambabasa ng kwento.

Sa aking palagay, wala naman din talagang dahilan para hindi kagiliwan ang Diary ng Panget. Hindi ko lang tiyak kung aalma dito ang mga masugid na tagasulong ng tamang paraan ng pagsusulat at masusing pagobserba sa teknikalidad ng literaturang Pilipino. Bumenta sa kabataan ang kwento ni Denny,bumenta din ito sa mga hindi na “bata”(katulad ng henerasyon namin). Ibig sabihin lang, hindi mo kailangang magpakulong sa kombensyonal na pamamaraan para lamang maipahayag ang mga bagay-bagay na nais mong maibahagi sa karamihan.

Wika nga ni Denny, simple lang naman ang kwento nila Eya at Cross, typical. Subalit sa kabila ng kasimplehan nito, siguradong magpipinta naman ito ng ngiti sa mga labi at magdudulot ng kagalakan sa kalooban ng sinumang makababasa nito.

Kalabaw nga lang daw ang tumatanda, hindi ibig sabihin na nalipasan ka na ng iyong kabataan ay hindi na nararapat na babasahin sa’yo ang Diary ng Panget. Remember, we are forever young at heart! Kaya kung icebreaker sa mga nakakaburyong na problema at trabaho ang hanap mo, hetong Diary ng Panget ang babasahing nababagay sa’yo. Basta huwag ka lang OA na pa-deep at pa-high standard kuno dahil hindi mo nga talaga kasisiyahan ang pagbabasa ng ganitong istorya na kung tutuusin ay may makabuluhang mensahe namang hatid. Try to loosen up dude,makigulo ka muna kina Cookie Monster at Cookie Bear. Naway’y kagiliwan mo ang pagbabasa nito. Enjoy!

No comments:

Post a Comment