Showing posts with label nobela. Show all posts
Showing posts with label nobela. Show all posts

Monday, March 9, 2015

BUKAS NA LIHAM PARA KAY BOB

Dear Bob,


Yung totoo, anong nakain mo at naisipan mong isulat ang Si? Hahaha! :D Nung una kong makita yung Si sa bookstore, natuwa ako. Medyo matagal-tagal na rin kasi mula nung ilabas mo ang Lumayo Ka Nga Sa Akin na pakiramdam ko'y hindi lang isang matapang na paghamon sa mass media kundi isang panggising na rin sa mga taong tumatangkilik at bulag na sumusunod dito. Nasanay ako sa ganung genre mo, Bob. Pakiramdam ko, magkaklase tayo sa eskwelahan nung binabasa ko ang ABNKKBSNPLAko?!. Sa Kapitan Sino naman, akala ko may bago nang superhero na kabibiliban ang mga bagets. Una kong naisip na subukang muli ang pagsusulat nung nabasa ko ang Stainless Longganisa at kinilabutan ako ng bonggang-bongga sa libro mong Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan. Iniisip ko tuloy, hindi kahanay ng Si ang mga aklat na ito. Iba siya. At nag-iba ka.

Ang weird 'no? Sabi nila, 'pag pag-ibig na ang pinag-uusapan, nag-iiba talaga bigla ang mood ng tao. Pansin ko kasi, sa nobelang ito, bumalik ka ulit sa loob ng kahon. 'Wag mo masamain, Bob. Alam kong malaya ang istilo mo ng pagsusulat. Kaya nga naging fan mo ako eh. Pero hindi ba sa pag-ibig may kalayaan? Iniisip ko palagi na ang mga tao, hindi na nag-iisip 'pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Hindi na kasi isip ang umiiral, puso na. Sa aklat mong ito Bob, pakiramdam ko kinahon mo yung pag-ibig na yun. Bumalik ka sa pinakasimpleng kahulugan at sa pinakatradisyonal na pagsasabuhay nito. Hindi ka naging lohikal kasi ang pinairal mo dito ay puso. May porma ang pagsusulat, bawat salita may kahulugan. Maganda ang paggamit mo ng ating wika sa aklat mo, Bob. Ngayon ko mas lalong na-appreciate ang wikang Filipino. Nakakakilig. Nakakabighani. Tagos.

Pero marami ka ring hugot dito eh. Sa mga panahong ito, nauuso ang teleserye na may pamagat na Forevermore. Sa totoo lang, naalala ko yung mga listahan ng mga pamagat ng teleserye na sinulat mo sa Ang Paboritong Aklat ni Hudas. Haha! 'Di ka nga nagkamali, paikot-ikot lang sa forever, you, me, I, against, love, heart, tayo, iisa, ikaw, ako, sila, kami etc. ang mga pamagat ng teleserye. :) Dahil sa Forevermore, maraming mga tao ang bigla na lang nagkaroon ng sarili nilang depinisyon ng salitang forever. Eh maski ako, pinanghawakan ko ang paniniwalang 'walang forever'.

Pero dito sa Si, pinaintindi mo sa akin na buhay pa ang konsepto na 'magpakailanman'. You know, that thing called 'tadhana'? HAHA. Sorry, napanood ko kasi yun. Pero yun din ang sinasabi mo dito Bob eh...na may taong nakatadhana para sa atin. Na buhay ang pag-ibig. Na ang pag-ibig na tunay ay ipinaglalaban. Na may mga pag-ibig na hindi ukol at hindi mananatili kahit ano pang pakikipaglaban ang gawin mo. Na ang pag-ibig madalas nakakadarang kung sariling pag-iisip mo ang iyong paiiralin. At ang pag-ibig na itinadhana ng langit ay magpakailanman. 'Di pa ako umiibig ng katulad ng pag-ibig ni Victoria sa lalaking nasa aklat, pero yun yung pinapangarap kong pag-ibig. Hopeless romantic man ang peg ko ngayon Bob pero kahit mahirap at madalas akong dinadalaw ng kalungkutan sa aking paghihintay sa isang tulad niya, ayokong mawalan ng pag-asa. Araw-araw hinihiling ko sa Maykapal na bigyan lang ako ng lakas at pasensya upang maghintay pa. Na balang araw ay makikilala ko yung Si ng buhay ko... SIno man SIya. At matutupad ang itinadhana ng langit sa aming dalawa. :)

Tumatagos sa puso ko ang lahat ng mga hugot mo dun, Bob. Marami beses kong binababa ang libro at tumitingin sa malayo para lang namnamin yung mga hugot mo. Napagtanto kong gusto ko ring maranasan ang ganoong uri ng pag-ibig. Gusto kong magmahal ng tulad ng pagmamahal ng lalaking yun kay Victoria. Malamang sa mga makakabasa nito, sasabihin nila na ang korni ko. Wala nang ganito sa panahong ngayon kaya 'wag na akong umasa. Pero hindi Bob... dahil naniniwala akong sa pag-asa nabubuhay ang pag-ibig. Habang may pag-asa, may buhay. At habang may buhay, may pag-ibig.

Salamat Bob. Sobrang sulit ng paghihintay ko sa nobela mong ito. Gusto sana kitang ayain magkape at makipagkwentuhan sa'yo kasi panigurado, marami tayong mapag-uusapan. Nakaka-excite yung idea na yun! Kaso alam kong hindi mo ako pauunlakan. Ayos lang, intindi ko naman. Siguro, balang-araw. :)

Iiwan ko ang linyang ito mula sa Si kasi sobrang tagos ito sa damdamin eh:


"Hindi sa pag-ibig nasasawi ang marami, kundi sa kawalan ng pag-ibig at kamangmangan ng maling pagmamahal."


Mabuhay ka at ang panitikang Pilipino!




Ang iyong masugid na tagapagbasa,
Love




PS:
Siya nga pala, para sa kauna-unahang Taglish kong komento sa isang nobelang Pilipino, binibigyan kita ng 10 tasang latte! Sa susunod, magiging totoong latte na ito... 'pag nagkita tayo. :)




Wednesday, October 1, 2014

"Pusong Walang Pag-ibig" ~ Reaksiyon sa Nobela

ni Uel Ceballos

Taon na rin ang nakalilipas ng huli kong mabasa ang nobelang "Pusong Walang Pag-ibig" ni Roman G. Reyes. Hiniram ko lamang ang librong ito sa isang kaibigan kung kaya naman hindi ko na mabalik-balikan ulit ang istorya. Subalit naging labis ang epekto ng librong ito sa akin na naging dahilan upang lumikha ako ng liham para sa aking kaibigan kasabay ng pagsasauli ko sa kanya ng  aklat. Ang akdang ito ay isa mga babasahing nakabasag sa aking damdamin at nakapagpagising ng aking kamalayan sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating paligid.

Sa paghahalungkat ko ng mga lumang gamit nakita kong muli ang kopya ng liham na ibinigay ko sa aking kaibigan. Ang liham ay naglalaman ng aking kabuuang reaksiyon tungkol sa aklat, kung kaya hayaan niyong ipahatid ko ang aking review sa pamamagitan ng paglalathala dito ng aking ginawang sulat taong 2006.

Abril 11, 2006

Kaibigang Jen,

Kay bigat naman sa kalooban ng naging katapusan ng "Pusong Walang Pag-ibig" ni Roman G. Reyes. Anong tagal kong hinintay na masaksihan ang pagbabago ni Ikeng at ang tuluyang ikababago ng kanyang buhay, maanong makapamuhay muna siya ng matiwasay kasama ang kanyang asawa't anak subalit iyo'y ipinagkait sa kanya ng may-akda. Sumisikip tuloy ang aking dibdib dahil sa nobelang napagtagumpayan kong masaksihan. Hindi yata makabubuti sa aking puso ang makapagbasa ng lalong makapagyayaman ng lungkot sa naghihinagpis kong kalooban. Kagagaling ko lamang sa hospital at ang kabilin-bilinan sa aki'y humanap ako ng mga bagay na aking ikagagalak.

Ang nobelang ito'y sumasalamin sa kapanahunang hindi na arok ng ating henerasyon. Labis ang aking pagkabalintuna habang kinakaibigan ang bawat pahina ng aklat sapagkat muli kong nalakbay ang mundong pinanggalingan ng ating panahon. Sa paglalakbay ko sa akdang ito'y nanariwa sa aking isipan ang mga kulturang may kulay man din na maituturing ay bitak na lamang sa ating kasaysayan. Labis ang aking pagkaantig sa mga tauhang naging biktima ng pananamantala't kaliluhan. Naantig talaga ang aking damdamin sa sinapit ng kapalaran ng ama ni Loleng na si Matandang Tikong gayundin sa mag-asawang Mang Simon at Aling Tolang na hindi man lamang ginantihan ni Enrique ng kabutihang-loob.

Aking naramdaman kung gaanong pag-asa ang tinatanaw ng mga taga-lalawigan sa pakikipagsapalaran sa Maynila. At ang digmaan! Nagpupuyos ang damdamin kong hindi maapula ng malamig na ice tea na aking iniinom ng mga sandaling iyon sa bahagi ng paglalarawan ni Reyes sa daloy ng sigalot sa kabayanan ng "B". Anong pagdadalamhati nga naman ang iyong mararamdaman sa sukat ikapigil ng iyong hininga dahil sa pag-anib ng iyong mag-aama sa himagsikan. Ano kaya ang ating gagawin kung itinadhanang maging kaisa tayo sa mga iyon?

Jen, maraming salamat sa pagpapahiram mo ng aklat na ito. Maraming aral ka ditong mapupulot, mga liksiyon na maaring nakapamilaylay lamang sa bawat salita't pangungusap at naghihintay lamang maisapuso ng isang taimtim na pagninilay.

Jen, tayo'y mga bagong tao na bumabagtas ngayon sa pinakamatinik na landas ng ating kapanahunan. Huwag mong isawalambahala ang ganitong uri ng nobela, sapagkat mahalagang mawatas natin ang haba ng panahong nagdaan bago natin makamit ang aral ng kasaysayan...






Wednesday, November 13, 2013

Ligo na U, Lapit na Me – Emo ka ba? Pwes basahin mo ito! By Lyn Bungar

Photo courtesy of goodreads.com
Ang akdang ito ni Eros Atalia ang kasa-kasama ko sa mga panahong nagmumuni-muni ako sa mga bagay-bagay sa aking buhay. Isa ito sa dalawang aklat na ibinigay sa akin na hindi ko pa napagtatangkaang buklatin at basahin. Napagpasiyahan kong itigil muna ang pagbabasa ng e-books at bigyang pansin ang mga aklat na nasasalat.

Umikot ang istorya sa lihim na pag-ibig ni Intoy kay Jen na nagsimula lamang sa paglalaro ng dalawa sa apoy. At patuloy pang nagpaikot-ikot sa mga nakakatuwang biro, dayalogo at mga hinuha ni Intoy sa iba’t ibang bagay na may kinalaman sa buhay at walang buhay.
Gumamit ang awtor ng matatalim na salita, bulgar at walang-hiya. Ngunit hindi nakakasugat, nakakagulat ngunit sa huli’y mas nanamnamin at kapapanabikan ang mga salitang bibitawan ng pangunahing tauhan. Mapagbiro ngunit may laman. Nangungusap at hindi basta-basta nagkukuwento lamang. Mapapangiti, maguguluhan at masasabik ka sa mga pakikipagsapalaran ni Intoy sa eskuwelahan, magulang, kapitbahay, kay Jen at sa sarili.

Ang Ligo na U, Lapit na Me ay hindi tulad ng nakasanayan ko nang Pilipinong panitikan noong ako’y nasa hayskul. Dinaan ng awtor sa biro ang mga issue o usapin na ako mismo’y hindi malaman kung seseryosohin ko nga ito o hindi. Ang mga biro ay hindi nagkukubli sa mga salitang nakagawian na o mas tanggap ng nakararami. Imumulat ka nito sa totoong mundo o pangyayari sa pamamagitan ng di mapagpanggap na mga salita.

Kung ikaw ay pinagdaraanan sa buhay na kahit ano pa man, ito ang babasahing para sa iyo (maliban sa banal na salita at encouraging posts sa FB wall mo). Matatawa ka at makakalimutan mo panandalian ang mga sanhi ng iyong kalungkutan sa pamamagitan ng mga problemang ihahain ni Intoy, not to mention ang kanyang mga karanasan sa pagiging ganap na lalaki. Ipapaalala nito na ang buhay ay buhay dahil may pagdurusa, kalungkutan at kasawian. Na may mga tanong at pagtatapos na hindi na dapat hinahanapan ng kasagutan o pagwawakas dahil ang buhay ay patuloy na paglalakbay. Sa kabila nito, sabik akong mabasa ang pangalawang aklat!

Pinapatawan ko ang panulat na ito ni Eros Atalia ng walong tasang latte. At paniguradong mas-aabangan ko pa ang mga akda niya.


Wednesday, October 30, 2013

It's Not That Complicated -- ang babasahin para sa mga Alien! ~ by: Uel Ceballos

Kung ihahalintulad sa isang pagkain ang akdang ito ni Eros Atalia, ang akdang sumunod sa naunang sulating "Ligo na U, Lapit Na Me", ang "Its Not That Complicated" ay isang malinamnam na putaheng kumpleto sa mga rekado at siksik sa sustansya. Pagpapawisan ka sa paghigop ng mainit nitong sabaw na bahagyang pinalapot upang maging masarsa at mag-iwan ng kakaibang lasa sa iyong dila na hinding-hindi mo malilimutan. Pihadong mapapasabak ka sa walang humpay na paglantak sa hain nitong napakamalamang sangkap hanggang sa tumirik ang mga mata mo at maghabol-hininga ka sa rurok ng iyong kabusugan.

Muling pakikibutin ni Intoy ang natutulog niyong puso, pakikislutin ang nanlalamig niyong mga ugat, paaagusin ang nagsesebo niyong dugo at pasasakitin ang nanahimik niyong puson sa muling pagtatagpo nila ni Jen na ngayo’y may kasama pang Tina.

Sila Jen at Tina ang mga alien na sumugod at nanggulo sa buhay ni Intoy hindi upang manakop kundi upang makihati ng saglit sa mumunting mundo ng binata at magbaon ng kapiraso nito sa kanilang pag-alis. Ang kapirasong iyon ng mundo ni Intoy ang gagamitin nila Jen at Tina upang lumikha ng panibagong mundong kanilang pagyayamanin.

Higit pa sa akdang pang-romansa ang It’s Not That Complicated dahil bukod sa likas na pangingiliti nitong taglay ay may hatid din itong nanunundot na paksang magpapasilab sa iyong kaalamang panlipunan. Kumbaga’y hindi lamang nito pauusukin ang tenga’t ilong mo, kundi puputungan ka pa ng bombilyang nagniningas ang liwanag.

Nakakatawa man ang mga linya ni Eros, may angkin namang itong talim na nakalilikha ng malalim na hiwa. Malaya nitong paaagusin ang dugong namuo na sa sobrang tagal nang hindi pagdaloy. 

Nababagay ang prosang ito sa mga alien sa sariling bansa ng sa gayon nama’y makilala na nila ang Pilipinas sa totoo nitong kulay at kalagayan. Baka sakaling magkainteres ang mga Pilipinong alien na ito na magkaisang agawin ang pamumuno sa mga mapagpanggap na nilalang (na silang totoong mga alien). Kapag nangyari iyon tuluyan na nilang masasakop ang Pilipinas at mapagyayamang muli hindi na bilang mga alien kundi mga totoong Pilipinong inangkin na rin sa wakas ang sariling pagkakakilanlan.  




Saturday, October 12, 2013

PARA KAY B … Ang babasahing nababagay sa kababaihan ng kahapon, ngayon at bukas. Ni: Uel Ceballos

“Kakabog ang dibdib mo, kikiligin ang kalamnan mo at kikirot ang puso mo. Kabog, kilig, kirot. Kapag naramdaman mo ang tatlong K, umiibig ka.”
― Ricky Lee, Para Kay B

Siya ngang tunay ang tinuran na iyan ni Ricky Lee sapagakat umibig ako sa nobelang itong. Patatawanin, paiiyakin at pasasabikin ka ng mga karakter sa kwento sa katauhan nila Irene, Sandra, Erica, Ester, Bessie at Lucas. Limang babaeng may kanya-kanyang kwento ng kanilang buhay-pag-ibig at isang manunulat na may sarili niyang bersyon at teorya ng pagmamahal.

Inilarawan dito ni Ricky Lee ang mga totoong sitwasyong nagaganap sa ating paligid. May baong sakit at hinagpis sapagkat karamihan sa mga sitwasyong nakapaloob ay yaong madalas kondenahin ng lipunan at bansagang imoral. Malinaw na nakahayag sa aklat na ito ang mga katauhang mapangahas na sumasalamin sa karamihan sa atin. Marahil isang layunin na din ng sulating ito ang mapahatid sa mga mambabasa ang iba’t ibang sitwasyon at pagsubok na pinagdadaanan ng bawat isa sa atin – na tayong lahat ay wala sa tamang posisyong manghusga ng kapwa at umasta na para bang tayo ang malinis at sila ang makasalanan.

Sa aklat na ito masasalamin ang realidad ng buhay na bagama’t likas na mapanubok at mapagbiro ay may hatid pa rin namang pag-asa. Sapagkat sa kabila ng mga kabiguan at kamalian, responsibilidad mo pa rin bilang tao ang magpatuloy sa iyong landasin hangga’t ika’y nabubuhay.

Ang pamosong teorya ng pag-ibig na nakapaloob sa aklat ay lumikha din ng usapan at pagtatalo sa mga mambabasa. May quota nga kaya ang pag-ibig kagaya ng unang sinabi ni Lucas sa aklat?

“Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging masaya. Ang iba, iibig sa di nila iniibig. O iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman.”
- Ricky Lee, Para Kay B  

Kung ikaw ang tatanungin naniniwala ka ba na sa limang umiibig isa lamang ang pinapalad na maging masaya? Naniniwala akong may mga namamatay na hindi namulaklak ang buhay-pag-ibig, may mga nabubuhay na kuntento at masaya sa kanilang pag-ibig at may mga nabubuhay sa lungkot na dulot ng nasirang pag-ibig pero hindi ko alam kung sadyang ganun ang ratio ng bilang 1:4.

Para sa lahat ng mga umibig, umiibig, napaibig at hindi pa nakakaibig, narito ang isang nobelang gigising sa inyong kamalayan sa tunay na mukha ng pag-ibig  at sa kung paanong paraan nitong binabago ang buhay ng bawat isa sa atin.

Nawa’y mabasa mo rin ang nobelang ito ni Ricky Lee at mapagnilay-nilayan sa iyong sarili ang mga bagay-bagay na nagpapaikot sa buhay ng isang tao.