Minsan, may darating na pag-ibig sa buhay mo na babali sa dati mong paniniwala sa pag-ibig at babago sa pananaw mo ng walang hanggan...
--- Ayan yung ideyang naglalaro sa utak ko ng sumunod na araw pagkatapos kong manood ng
Walang Forever. Nauna ng magbigay ng opinyon ang isa kong kaibigan tungkol sa pelikulang pinagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Jericho Rosales. Bilang akala ko 'di ko na ito mapapanood, nagtanong ako sa kanya kung kumusta yung pelikula. Sabi niya, "Ang babaw ng istorya, friend. Sorry friend."
Eh 'di ako naman, nasayangan. Sabi ko, buti pala hindi ko pa napanood. Pero sadyang mapaglaro lang siguro ang tadhana kasi nakapanood pa rin ako at paglabas ko ng sinehan, sumisinghot-singhot pa ako habang nagpupunas ng luha sa pisngi. Ang nasabi ko na lang, "Wow. Grabe."
Simple lang naman ang kwento, oo.
Nothing spectacular, nothing extraordinary.
Same old plot. Dalawang taong pinagtagpo ng ulan, pinagbuklod ng pag-ibig at pinaghiwalay ng buhay. Pero ang tingin kong natatangi sa pelikulang ito ay ang mahusay na pagbibigay-buhay ng mga aktor sa mga karakter ng isang simpleng ngunit paulit-ulit na kwento ng pag-ibig.
Noong nalaman kong nagwagi bilang pinakamahusay na aktor si Jericho Rosales sa MMFF, naitanong ko sa sarili ko, "Wala na ba talaga silang ibang choice?" Kahit 'di ko pa napapanood ang Honor Thy Father, nasabi ko agad na, "Bakit hindi si John Lloyd?" Kasi siguro bilang manonood, ang
stereotype natin, kapag umarte ng drama, magaling na. 'Pag umiyak ng bongga, ay may pag-asa ito. 'Pag love story ang theme, ay walang saysay yan.
Rom-Com... sus!
Eh tinaob ng napakahusay na pagganap ni Jericho Rosales ang lahat ng mga
stereotype sa utak ko. Pinaghandaan niyang mabuti ang kanyang karakter. Inalam niya ang bawat pakiramdam, bawat iniisip at bawat ikinikilos nito at inari niyang kanya. Marami na akong nakitang aktor na umarteng may sakit sa pelikula at telebisyon pero mas nakita ko ang pagiging natural sa karakter ni Echo. Pigil pero andun yung tindi ng emosyon. Makikita mo sa mga mata niya ang paghihirap ng kanyang kalooban. Ang kawalan ng pag-asa. Iilan lang silang ganoon. Iilan lang ang mga aktor na matalino at nag-aaral ng mga karakter nila. Buti isa doon si Echo. Mahusay. ;-)
Matapos kong mapanood yung
English Only Please noong nakaraang taon, napagtanto ko na may ibubuga naman pala talaga si Jennilyn Mercado. Sa kanyang ikalawang
rom-com, ipinakita niya na hindi mo kailangang umiyak ng bongga at humikbi na parang katapusan na ng mundo para manalo ng isang parangal sa pag-arte. Minsan, kailangan mo lang isapuso ang karakter na binibigyan mo ng buhay. At kapag nakakonekta ka sa kanya, doon nagsisimula yung
magic. Doon mo masasabing napakahusay niya dahil nagawa niyang pag-isahin ang dalawa: siya at ang kanyang karakter.
Nais ko ring bigyan ng pansin ang
supporting cast ng pelikulang ito. Unang napansin ko kaagad si Pepe Herrera. Paano ko naman kakalimutan ang paborito kong Tolits ng Rak of Aegis. Hahaha! Hanggang sa sumunod na sina Jerald Napoles, Nico Antonio, Cai Cortez, Kim Molina at Myke Salomon. Feeling ko nasa Rak of Aegis reunion ako eh. Hahaha! Mahusay ang suporta kaya nabigyan ng resonableng
comic relief ang pelikula.
Bukod sa mga nakakatawa at nakakaantig na linyahan nila Echo at Jen sa pelikula, pinakatumatak sa akin ang natatanging eksena ni Ms. Irma Adlawan kasama si Echo. Alam mo yung sinasabi nila sa teatro na kahit gaano kaliit ang eksena mo, nasa sa'yo pa rin ang ikagaganda nito. Sa loob ng ilang minuto, pinaluha ako ng todo ng eksenang yun. At hindi siya dahil kay Echo, dahil siya kay Ms. Irma Adlawan. Ang galing! :)
May
forever man o wala, bawat kwento na nabubuo sa ating mga buhay ay nagwawakas din. Pero sa bawat pagwawakas, may nagsisimulang panibagong pahina. Parang pag-ibig lang. Sa bawat pagtatapos, may mas magandang kwento ng pag-ibig na sisibol at babali sa dati mong paniniwala tungkol sa pag-ibig at babago sa pananaw mo ng walang hanggan. Nasaktan ka man, nabigo,
happy man ang ending ng love story mo o
tragic, babalik at babalik ang puso mo sa pag-ibig na nagbago sa'yo. Tulad nga ng sabi ni Ebe Dancel sa kanyang kanta,
"Bawat kanan at kaliwa
Kanluran man o hilaga
Ang bawat daan ko
Ay patungo
Pabalik sa'yo..."
Kudos sa writer ng
Walang Forever pati na rin kay direk! Maraming salamat sa isa na namang magandang pelikulang Pilipino! :-)
Walong tagay ng espresso po para sa inyo! :-)
https://www.facebook.com/Now-Brewing-539673826127554/?ref=hl